-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Hudyat ng pagbangong muli ng mga Kidapawenyo sa kabila ng mga hamon ng kalamidad at Covid19 ang pagdiriwang ng Kasadya sa Timpupo Festival 2022.

Ito ang mensahe ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista sa opisyal na pagbubukas ng Kasadya sa Timpupo 2022.

“Halos tatlong taon na hindi natin naipagdiwang ang Timpupo. Ang pagbubukas nito ay pagpapakita lamang ng katatagan sa pagharap sa mga pagsubok at pagsisikap na makabangong muli ng Kidapawenyo mula sa lindol noong October 2019 at sa COVID-19 na nagpapatuloy sa kasalukuyan”, ayon kay Mayor Evangelista.

Makahulugan din ang Kasadya sa Timpupo Festival 2022 dahil ito ang unang pagdiriwang kung saan siya na ang namumuno sa lungsod ng Kidapawan, dagdag pa ng alkalde.

Pinasalamatan niya ang lahat ng Kidapawenyo, mga barangay at city officials na nagtulungan para sa pagbubukas ng pagdiriwang.

Pormal ding binuksan ni Mayor Evangelista ang Kasadya sa Timpupo 2022 sa pamamagitan ng simpleng programa sa City Plaza.

Bisita ng okasyon si PNP XII Regional Director P/Brigadier General Alexander Tagum na isang tubong Kidapawenyo.

Sabay din ang pagbubukas ng ilan sa mga highlights ng okasyon, ang Fruits Eat All You Can for a Cause sa City Plaza at Food and Agro-Industrial Trade Fair sa City Pavilion.

Tema ng Kasadya sa Timpupo ngayong taon ay “Nagkakaisa’t Luntiang Kidapawan Tungo sa Makulay na Kinabukasan”.