-- Advertisements --

MUMBAI, India – Inaabangan na ang magiging kasal ng anak ng pinakamayamang tao sa Asya.

Ito ang tinatayang magiging pinakamagarbong kasalan sa India ngayong taon.

Si Anant Ambani, na tagapagmana ng bilyonaryong pamilya, ay magpapakasal sa kaniyang long-time girlfriend na si Radhika Merchant.

Ito ay tinaguriang kasalan ng taon sa India, mula sa pagiging marangyang seremonya hanggang sa malalaking personalidad na inaasahang dadalo.

Nabatid na noong Marso, nagkaroon ang magkasintahan ng tatlong araw na pre-wedding party sa lungsod ng Jamnagar, na dinaluhan ng mga 1,200 na kilalang bisita, kabilang sina Mark Zuckerberg at Bill Gates.

Isang makulay na light show na may 5,500 drones ang nagbigay ng liwanag sa kalangitan sa may palasyo na itinayo para sa selebrasyon, kung saan sumayaw ang mga bisita sa tugtog ni Rihanna.

Pagkatapos nito, noong huling linggo ng Mayo, nagkaroon din ang magkasintahan ng apat na araw na Mediterranean cruise para sa mga kaibigan at pamilya, kung saan nag-stop-over sila sa iba’t-ibang bahagi ng Europa.

Kasama sa mga bisita ang ilang kilalang artista ng Bollywood, at nag-perform sina Katy Perry, ang Backstreet Boys, at ang opera star na si Andrea Bocelli.

Ang kasal na ito sa Mumbai ay nakatakda sa Hulyo 12 hanggang 14 sa tahanan nina Anant.

Ang venue ay 27-floor na tinatawag na Antilia, kung saan kayang tumanggap ng mahigit sa 16,000 katao.

Bagamat mahigpit na itinago ang mga detalye, kung tutuusin ay inaasahan na ang nalalapit na kasal ay magiging napakalaki dahil sa mga inisyal na preparasyon.

Ang ikakasal ay ang pinakabatang anak ng pinakamayamang tao sa Asya, si Mukesh Ambani, na may tinatayang assets na $118 billion ayon sa Bloomberg Billionaires Index.

Siya ang responsable sa pagpapalawak ng sektor ng enerhiya ng kanilang family conglomerate, ang Reliance Industries.

Si Anant ay ang pinakabunso sa tatlong magkakapatid.

Siya ay nagtapos sa Brown University.

Ang kanyang kapatid na lalaki at kapatid na babae ay nasa board ng Reliance at namamahala sa iba’t ibang bahagi ng kumpanya.

Si Radhika Merchant naman, 29 taong gulang, ay anak ng kilalang negosyante sa pharmaceutical industry na si Viren Merchant, at nagtatrabaho sa kanyang kumpanya, ang Encore Healthcare.

Graduate ito sa New York University, ibinahagi niya sa Vogue na nakilala niya si Ambani sa pamamagitan ng mga kaibigan noong 2017. (CNN)