Isang araw matapos ang kasal nina Claudia Barretto at Basti Lorenzo noong Abril 8, isiniwalat ng ama ng bride na si Dennis Padilla na muntik nang hindi matuloy ang seremonya.
Sa isang panayam sa vlog ng talent manager at vlogger na si Ogie Diaz nitong Miyerkules, Abril 9, ikinuwento ni Dennis ang emosyonal na tawag na natanggap niya mula sa anak sa mismong araw ng kasal.
Ayon kay Dennis, bandang alas-8 ng umaga ay nagpadala siya ng mensahe kay Claudia upang ipahayag ang kanyang kasiyahan para sa nalalapit na pag-iisang dibdib ng anak. Ngunit makalipas lamang ang dalawang minuto, tumawag si Claudia, umiiyak, at sinabing hindi na matutuloy ang kasal.
‘Pa, hindi na po tuloy ang kasal,’ sabi niya sa akin habang umiiyak,’ ani Dennis. ‘Sabi ko sa kanya, ‘If you’re not happy with it, don’t do it. If you’re not sure with it, don’t do it,’ dagdag nito.
Ibinahagi rin ni Dennis na inamin ni Claudia ang kanyang pagdududa sa kasal bunsod ng tila kakulangan ng interes ni Basti sa preparasyon nitong mga nakaraang araw.
Matapos ang tawag na iyon, agad tinawagan ni Dennis ang kanyang ina upang sabihing hindi na kailangang magbihis para sa kasal. Subalit makalipas ang halos isang oras, muling tumawag si Claudia upang bawiin ang naunang desisyon.
‘9:30 A.M. tumawag si Claudia. ‘Papa, tuloy na yung kasal,’ kuwento ni Dennis.
Dahil sa pagkaapurado, agad siyang tumungo sa Caloocan upang sunduin ang kanyang ina at nagtungo sa St. James The Great Parish sa Alabang, kung saan ginanap ang seremonya.
Maaga raw silang nakarating sa simbahan at nakapag-picture taking pa kasama ang kapatid ni Dennis na si Gene Padilla.
Bagamat hindi malinaw ang tunay na dahilan ng pag-aalinlangan ni Claudia, sinabi ni Dennis na maaring ito ay bahagi lamang ng ”wedding jitters” o kaba sa pagpasok sa bagong yugto ng buhay.
Sa parehong panayam, inalala rin ni Dennis ang unang beses na nakilala niya si Basti noong March 18. Ayon sa kanya, tahimik umano si Basti at halos ”one question, one answer” lamang ang naging pakikipag-usap nito sa kanya.
Gayunpaman, sinabi niyang naiintindihan niya ang personalidad ng nobyo ng anak.
‘Kung saan masaya ang anak ko, susuportahan ko siya,’ saad ni Dennis bilang pagtatapos sa isang panayam.
Sa kabila ng naging tensyon, matagumpay na nairaos ang kasal nina Claudia at Basti, na ngayon ay opisyal nang mag-asawa.