-- Advertisements --

Epektibo pa rin laban sa sinasabing posibleng bagong variant ng COVID-19 na Omicron XE ang kasalukuyang mga bakuna sa bansa.

Ipinahayag ito ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante kasabay ng pagpapaliwanag sa mga characteristics na taglay nito.

Sa ngayon ay nasa mahigit 600 mga kaso ng nasabing bagong variant ang na-detect na sa United Kingdom, ngunit karamihan dito ay mild symptoms lamang ang nararanasan.

Sa kanyang palagay ang characteristic ng Omicron XE ay dumidepende sa taong tatamaan nito.

Aniya, posible kasing mas mild ang maging sintomas nito kung sa mas nakababata dadapo ang naturang sakit, habang malala naman ang magiging epekto nito kung sa 60-anyos at immunocompromised ito tatama.

Magugunita na una nang sinabi ng World Health Organization (WHO) na ang Omicron XE ay 10% na mas nakakahawa kumpara sa BA.1 at BA.2.

Patuloy naman ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng Department of Health (DOH) sa WHO para bantayan ang case trends nito sa tulong ng Philippine Genome Center.