-- Advertisements --

Patuloy ang pagsasagawa ng PNP at NBI ng follow up operations kasunod nang pagkakaaresto kahapon sa apat na mga pulis dahil sa pangingikil sa naarestong Egyptian national.

Una nang kinilala ang mga nahuli na sina SPO3 Ranny Litonjoa-Dionisio, PO3 Richard Osorio-Bernal, PO1 Elequiel Fernandez at PO1 Arjay Lastricia-Lasap, pawang mga miyembro ng intelligence section ng Police Station-9.

Ang entrapment operations ay nangyari sa loob ng 7/11 convenience store na nasa panulukan ng Quirino Avenue sa Mabini Street, Maynila.

Isinagawa ang operasyon ng pwersa ng NBI at PNP counter-intelligence task force dahil sa hiningan daw ng nasabing mga pulis ng P200,000 ang Egyptian na ikinulong dahil sa iligal na droga noong Abril 9.

Ang presyo ng pangongotong ay ibinababa sa P50,000 para ito ay makalaya at iisyuhan ng tseke sa kondisyon na ipapa-encash ito ngayong araw.

Sa ngayon inihahanda na rin ang kaukulang kaso laban sa nasabing tiwaling mga pulis at iba pang posibleng sangkot sa iligal na gawain.