ROXAS CITY – Wala nang buhay nang matagpuan ang isang 27-anyos na Capizeño at kasapi ng Philippine Air Force (PAF) matapos umanong binaril-patay ang sarili sa loob ng kanilang barracks sa Tarlac City.
Nakarinig umano ng putok ng baril ang kanyang mga kasamahan dahilan na mabilis nila pinuntuhan ang pinagmulan ng putok at tiningnan ang lugar at dito natagpuan ang duguan at wala nang buhay ang hindi na pinangalanang biktima.
Nabatid na mayroong problema ang biktima na tinitignang dahilan nang pagbaril sa sarili na nagresulta ng kanyang kamatayan.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Roxas kay Emy Bellosillo residente ng Panay, Capiz at ina ng biktima, labis ang kalungkutan nito nang mabalitaan ang nangyari sa anak.
Ayon kay Bellosillo, hindi ito makapaniwala na gagawin ito ng kanyang bunsong anak.
Bukod dito, blangko pa ang pamilya kung ano ang nagtulak sa biktima na magpakamatay.
Aniya, isang mapagmahal at mabait na anak ang naturang biktima.
Ngunit bago nangyari ang insidente ay may sinabi umano ang biktima sa kanyang kapatid na may problema sila ng kanyang kasintahan na miyemro rin ng PAF na naka-assign sa ibang lugar.
Napag-alamang tumawag pa ang biktima sa kanyang kapatid at humingi ng P150 na halaga ng regular load at parang namamaalam sa kanyang pamilya.
Sa ngayon, isinailalim na sa autopsy examination ang bangkay ng biktima at hinihintay na lamang ang resulta.
Sinabi naman ni Bellosillo na hindi na lamang dadalhin pauwi ang bangkay ng biktima sa Capiz dahil mas minabuti na lamang nilang magpamilya na paglamayan at iburol nito sa bahay ng kanyang kapatid sa Taguig City.
Sa oras na dumating ang bangkay ng biktima sa bahay ng kanyang kapatid, nakatakda namang sunduin ng military aircraft ng PAF ang kanyang ina sa lalawigan ng Capiz.
Samantala, nakatakdang ilibing ang bangkay ng biktima sa Libingan ng mga Bayani.