LAOAG CITY – Nagsagawa agad ng imbestigasyon ang pinuno ng Philippine National Police-Traffic Division sa Lungsod ng Laoag laban kay Police Corporal Melmar Antonio.
Ito’y matapos ireklamo ng Bombo Radyo Laoag kung saan nagtungo ang team ng sa PNP-Traffic Division alas-4:00 ng madaling araw kahapon para kumuha ng report at update sa mga nangyaring insidente sa lungsod.
Subalit walang tao sa PNP-Traffic Division at napag-alaman na ang naka-duty ay si Antonio.
Sinabi ni Police major Rommel Ramos, hepe ng PNP-Traffic Division, na base sa naging paliwanag ni Antonio ay nagtungo umano ito sa palengke.
Iginiit naman ni Ramos na hindi sapat ang naging paliwanag ni Antonio kaya binigyan niya ito ng panahon para magbigay ng mas katangga-tanggap na paliwanag kung bakit inabandona nito ang kanyang puwesto.
Dagdag pa ni Ramos na kailangan palaging may tao sa Traffic Division para may haharap sa mga taong magtutungo rito para magreklamo.
Dahil sa nangyari, tiniyak ni Ramos na pupulungin niya ngayong araw ang mga tao nito para hindi na maulit pa ang nangyari.
Hindi lamang ito ang unang pagkakataon na walang tao sa Traffic Division pero ngayon lamang naglakas loob ang Bombo Radyo na ireklamo ito.