BAGUIO CITY – Siyento porsyento nang nakahanda umano ang kasong isasampa laban sa mga suspek na responsable sa pagmamaltrato kay 4th Class Cadet Darwin Dormitorio na nagresulta sa pagkamatay nito.
Ayon kay Police Regional Office Cordillera (PROCOR) regional director Brig. Gen. Israel Ephraim Dickson, hinihintay na lamang nila ang pagdating ng representative ng pamilya Dormitorio sa Baguio City para sa pagsasampa ng kaso.
Aniya, magsisilbing private complainant ang pamilya Dormitorio sa mga kasong isasampa laban sa mga suspek na responsable sa pagmaltrato sa namatay na plebo.
Sinabi nito na kabuuang pito ang bilang ng mga suspek na kadete sa pagmaltrato kay Cadet Dormitorio maliban pa sa dalawang medical personnel ng PMA Station Hospital dahil sa maling diagnosis at findings ng dinala doon si Cadet Dormitorio.
Dinagdag pa niya na kasong paglabag sa Anti-Hazing Law and/or murder ang isasampang kaso laban sa mga suspek na kadete ngunit magdedepende sa piskalya kung ano ang kaso na kakaharapin ng bawat suspek.
Sa ngayon, under isolation ang mga suspek sa stockade ng Philippine Military Academy hangga’t hindi pa sila ipinapasakamay sa Baguio City Jail.
Magsisilbing witnesses sa kaso ang 14 na mga kadete, dalawang staff, tactical officer at isang non-commission officer ng PMA.