-- Advertisements --

Ibinasura ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 175 ang kaso laban kay dating Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Benjamin Santos Jr. na umano’y sangkot sa maanomaliyang P6.7 billion drug buy bust operation noong October 8, 2022.

Matatandaan na kabilang si Santos sa 30 police officers na inakusahang sangkot sa pagtatanim ng ebidensiya na nag-ugat sa ikinasang buy-bust operation sa isang Lending Office sa Tondo, Manila kung saan nakumpiska ang 990 kilos ng shabu.

Sa court order na may petsang Enero 17, nakasaad na walang nahanap na probable cause para kasuhan si Santos dahil sa kawalan ng ebidensiya na magpapatunay sa kaniyang naging partisipasyon.

Dagdag pa ng korte na bagamat nakumpirma sa surveillance footage ang presensiya ni Santos sa naturang gusali, hindi aniya malinaw at hindi positibong naipakita na nakibahagi ito, inatasan, inotorisa o pumayag ito sa pagsasagawa ng bogus na hot pursuit operation laban sa akusadong si Police Master Sergeant Rolando Mayo.

Ayon pa sa korte, walang testimoniya o pag-amin mula sa ibang akusado na direktang nagdadawit kay Santos sa anumang conspiracy. Nakasaad aniya sa batas na hindi maituturing na conspiracy o sabwatan ang presensiya lang ng isang indibidwal sa pinangyarihan ng krimen.

Para maituring na nagkaroon nga ng sabwatan, sinabi ng korte na dapat ay may malinaw at positibong ebidensiya ng aktibong partisipasyon, moral ascendancy o hayagang pasasagawa ng naturang offense.

Samantala, nakasaad din sa court order ang pag-iisyu ng warrant of arrest sa 29 iba pang mga police officer para sa paglabag sa Dangerous Drugs Act may kaugnayan sa pagtatanim ng ebidensiya kung saan hindi papayagan ang mga akusado na maglagak ng piyansa.