-- Advertisements --

Kinumpirma ng Antipolo Police na iaakyat na sa kasong murder ang kaso laban sa 28 anyos na suspect sa naganap na Antipolo road rage kamakailan.

Una nang inihain ang 3 counts ng frustrated murder laban sa SUV driver na namaril ng mga nakaalitan nitong motorcycle rider.

Ayon kay Antipolo police chief Lt. Col. Ryan Manongdo, ang hakbang na ito ay matapos na tuluyang masawi ang biktimang motorcycle rider na nagtamo ng malubhang tama sa ulo dahil sa insidente.

Sa naganap na road rage , sugatan rin ang dalawa pang motorcycle rider na nakalabas na sa ospital matapos na magamot.

Dahil dito, ang magiging kaso ng suspect ay dalawang bilang ng frustrated murder, murder at gun ban violation dahil ipinagbabawal ang pagdadala at paggamit ng baril ngayong halalan lalo na kung walang exemption mula sa Commission on Elections.

Batay sa naging inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nagkaroon ng pagtatalo ang suspect at ang biktimang motorcycle riders na unang nauwi sa suntukan at kalaunan ay pag bunot at pagpapaputok ng baril ng suspect sa Marcos Highway, Sitio Calumpang.

Matapos ang insidente ay tumakas ang suspect at naaresto ng awtoridad sa checkpoint ng COMELEC.