KALIBO, Aklan – Binawi ng Libacao Police Station ang kasong robbery with homicide laban sa tatlong indibidwal at isang john doe sa nangyarig paghold-up at pagpatay sa isang micro-lending collector noong Hulyo 26, 2019 sa Sitio Balisong, Brgy. Pampango, Libacao.
Kinumpirma ni P/Capt. Willian Aguirre, hepe ng Libacao PNP ang paghain ng motion to withdraw of criminal complaint.
Ayon sa motion, wala umanong sapat na basehan at ebidensiya ang pulisya upang kasuhan ang apat.
Natuklasan na nagsinungaling ang unang testigo sa pagturo sa mga suspek na pumatay sa biktimang si John Rey Madera, 24, residente ng Brgy. Anabo, Lemery, Iloilo at kolektor ng ASA Philippine Foundation Micro Finance dahil sa P50,000 na pabuya ng lokal na pamahalaan ng Libacao.
Matapos na barilin gamit ang 12-gauge shotgun, kinuha ng mga suspek ang knapsack ng biktima na may tinatayang P10,000 na cash collection, cellphone at iba pang mga mahalagang gamit nito.
Sinabi pa ni P/Capt. Aguirre na muli sandang magsasampa ng karampatang kaso sa Aklan Prosecutor’s Office batay sa testimonya ng mga totoong nakasaksi at may kinalaman sa krimen.
Napag-alaman na matapos na makonsensiya, dumulog sa pulisya ang isa sa mga suspek at nilaglag ang iba pang mga kasama sa krimen.
Kasabay sa pagbawi sa kaso ay ang pagpapalaya sa mga unang inakusahan at pagtugis sa mga tunay na responsabli sa krimen na nananatiling at-large sa kasalukuyan.