BAGUIO CITY – Kakasuhan na sa Lunes ang anim na suspeks sa pagpapahirap na nagresulta sa pagkakasawi ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.
Ayon kay BCPO director Col Allen Rae Co, nahanda na ang kasong kakaharapin ng mga suspek na isasampa na sa Lunes laban sa mga responsable sa pagmaltrato kay Cadet Dormitorio.
Nahaharap sa kasong murder at paglabag sa Anti-Hazing Law ang mga suspek.
Una rito ay kinumpirma ni Police Regional Office (PRO)-Cordillera regional director Brig. Gen Israel Ephraim Dickson na sumuko na ang pang-anim na suspek sa pagmaltrato kay Dormitorio.
Sinabi niya na ito ay isang 2nd class cadet na lalaki na umaming isa ito sa mga nagmaltrato sa namatay na kadete.
Gayunpaman, hindi pa naihahayag sa publiko ang pagkakakilanlan sa pang-anim na suspek sa pagkamatay ni Darwin.
Ayon sa mga opisyal, ibabatay ang mga isasampang kaso sa mga nakuhang ebidensiya gaya na lamang sa mga hand written ni Dormitorio, sa mga nakuhang tazer flashlight at iba pa.