-- Advertisements --

VIGAN CITY – Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na patuloy na ang pagbaba ng bilang ng kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bansa, lalo na sa mga lugar na unang tinamaan nito.

Kasabay nito, binigyang-diin ni Agriculture Secretary William Dar sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan na sa ngayon ay wala pa silang naitatalang bagong kaso ng ASF na siyang ipinagpapasalamat nito.

Nanghihinayang din si Dar dahil umabot na sa PHP 4-bilyon ang ikinalugi ng mga magbababoy dahil sa nasabing virus mula pa noong kalagitnaan ng Agosto kung kailan nakumpirmang nakapasok na sa bansa ang nasabing virus.

Tinatayang aabot sa P 1-bilyon ang nawala sa nasabing industriya kada buwan mula pa noong kumalat ang ASF.

Sa kabila nito, hindi ikinaila ng kalihim na nagagalak ito dahil sa ngayon ay bumabalik na umano ang tiwala ng mga consumer sa pagbili ng karne ng baboy at mga pork products sa bansa na siyang dahilan kung bakit unti-unting nakakabawi ang mga negosyante.