-- Advertisements --
VIGAN CITY – Patuloy na umano ang pagbaba ng kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bansa, ngunit hindi pa maidedeklerang ASF-free ang Pilipinas.
Ito ang sinabi ni Agriculture Sec. William Dar sa mensaheng ipinadala nito sa Bombo Radyo Vigan.
Ayon kay Dar, patuloy lamang umano ang kanilang ipinapatupad na 1-7-10 protocol sa mga lalawigan kung saan unang lumaganap ang ASF kagaya na lamang sa Bulacan at Pampanga.
Tiniyak naman ng opisyal na wala pa silang naitatalang bagong kaso ng ASF na siyang ipinagpapasalamat nito.
Una na nitong sinabi na noong nakaraang taon, umabot sa P4-bilyon ang lugi ng mga backyard hograisers dahil sa nasabing virus mula noong kalagitnaan ng Agosto kung kailan nakumpirmang nakapasok na sa bansa ang ASF.