Umakyat na sa 381% ang mga tinamaan ng Chikungunya mula Enero 1 hanggang Nobyembre 25, base sa tala ng epidemic-prone disease case surveillance ng Department of Health (DOH).
Lumobo sa 2,854 na kaso ang naitala ngayong taon, kumapara sa 593 noong 2022.
1,144 sa mga tinamaan ng Chikungunya ay mula sa Cordillera Administrative Region.
Sinundan naman ito ng 457 na kaso sa MIMAROPA, 377 sa Cagayan Valley, at 371 sa Ilocos Region.
Ang Chikungunya ay naipapasa ng lamok na may dalang virus. Ilan sa mga uri ng lamok na ito ay ang Aedes aegypti at Aedes albopictus na maaari rin magdulot ng Dengue. Ang naturang uri ng lamok ay mas aktibo tuwing umaga at hapon.
Ilan sa mga simtomas ng pagkakaroon ng Chikungunya ay ang lagnat, masakit na kasukasuan, pananakit ng ulo, pagsususka, pagkapagod, at pagkakaroon ng pantal ayon sa World Health Organization (WHO).
Samantala, bagamat wala pang bakuna para sa Chikungunya, wala namang naitalang namatay mula sa naturang sakit sa nakalipas na dalawang taon.