CEBU CITY – Nadagdagan na naman ng 30 panibagong nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang isla ng Cebu nitong Biyernes.
Sa pinakahuling inilabas na datos ng Department of Health (DOH-7), nasa 182 sa 212 na swab test ang nagnegatibo sa nasabing virus.
Sa mga nagpositibo, tatlo nito ay nagmula sa probinsiya ng Cebu kung saan isa nito ay asymptomatic, bagong panganak at residente ng Brgy. Pili, Madridejos sa isla ng Bantayan.
Wala naman umanong dapat ikabahala ayon pa kay Cebu Governor Gwendolyn Garcia sapagkat inalagaan naman umano ito at kasalukuyang nasa Sacred Heart Center.
Habang ang dalawa naman sa mga ito ay nagmula sa Talisay City Cebu na 61-anyos at isang 39-anyos na binawian ng buhay bago pa man mailabas ang resulta.
Isinailalim na sa strict home quarantine ang pamilya ng 61-anyos at hindi na pinaalis at pinalabas ng kanilang bahay.
Sa ngayon, may naidagdag na 19 na nagpositibo sa Cebu City; 7 sa Lapu-lapu City at isa naman sa Mandaue City.
Umabot na sa ngayon sa 1,616 ang kabuuang bilang ng COVID-19 sa buong isla ng Cebu kung saan 39 nito ay mula sa probinsiya; 1,435 sa Cebu City; 47 sa Lapu-lapu at 95 sa Mandaue City.