-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Ikinagagalak ng Department of Health-Cordillera ang kawalan ng naitalang positibong kaso ng coronavirus disease (COVID)-19 sa Cordillera Administrative Region sa nakaraang anim na araw.

Batay sa rekord ng kagawaran, nananatiling 19 ang positibong kaso ng COVID 19 sa rehiyon.

Mula sa nasabing bilang ay anim ang gumaling na, 12 ang nananatili sa pagamutan habang isa ang nasawi.

Kaugnay nito ay sinabi ng DOH na aabot na sa 1,086 ang mga Persons Under Investigation (PUIs) sa Cordillera.

Mula sa naturang bilang ay 102 ang mga nasa pagamutan, 426 ang mga nasa ilalim ng home quarantine at 558 ang mga nakalabas na sa ospital.

Inihayag pa ng DOH na mula sa mga PUIs sa Cordillera ay sampu ang nasawi ngunit siyam sa mga ito ang negatibo sa COVID 19 habang isa ang positibo sa naturang virus.