-- Advertisements --

ILOILO CITY – Patuloy ang paglobo ng kaso ng Acute gastroenteritis at Cholera sa Iloilo City.

Ang acute gastroenteritis at cholera ay uri ng food and waterborne diseases.

Ibig sabihin, ang mga nasabing sakit ay nakukuha dahil sa maruming pagkain at tubig o inumin.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Annabelle Tang, acting Iloilo City Health Office (ICHO) chief, sinabi nito as of August 31, nakapagtala sila ng 228 na pinagsamang kaso ng acute gastroenteritis at cholera.

Pito naman ang namatay.

Kadalasang sintomas nito ay ang pagtatae, matinding pananakit ng tiyan, pagsusuka, lagnat at pananakit ng katawan.

Hinimok naman ni Tang ang publiko na pakuluan muna ang iniinom na tubig sa loob ng 2 minuto para patayin ang ‘pathogenic organisms.’

Ayon pa kay Tang, ito ang unang beses sa loob ng limang taon na nagtala ng cholera cases sa lungsod.

Nakaamba naman ang pagdedeklara ng ‘state of calamity’ sa Iloilo City dahil sa acute gastroenteritis at cholera outbreak sa nasabing lungsod.

Una nang sinabi ni Mayor Jerry Treñas sa Bombo Radyo na hiniling na niya sa Iloilo City Council na magkaroon ng special session bukas Setyembre 2 para aprubahan ang pagdedeklara ng state of calamity para sa paglabas ng calamity fund ng lokal na pamahalaan at matugunan ang pagtaas ng kaso ng nasabing sakit.