-- Advertisements --
Ph locator aklan altavas
Aklan

KALIBO, Aklan – Nasa 3,877 na ang kaso ng dengue sa lalawigan ng Aklan mula Enero 1 hanggang Agosto 3, 2019.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuatchon ng Provincial Health Office (PHO)-Aklan na batay sa kanilang record, mas mataas ito ng 294% kung ikumpara sa kaparehong period noong nakaraang taon.

Maliban dito, nadagdagan rin ang bilang ng mga nasawi dahil sa dengue at mga kumplikasyon na dala nito na aabot sa 18 katao.

Ang bayan ng Kalibo pa rin ang may pinakamataas na kaso na aabot sa 816; sinundan ng Banga na may 396; New Washington na may 344; Balete na may 310; at ang Numancia na may 284 na kaso.

Sinabi pa nito ang bayan ng Balete ang may pinakamataas na attack rate na umabot sa 101.71%.

Dagdag pa ni Dr. Cuatchon na ang Barangay Poblacion sa Kalibo ang may pinakamataas ngayon na kaso ng dengue sa buong Western Visayas.

Kaugnay nito, nanawagan ang PHO na ugaliing maglinis sa paligid; hanapin at sirain ang mga pinamumugaran ng mga lamok na nagdadala ng dengue; gumamit ng self protection gaya ng mga mosquito repellant; maagang magpakonsulta sa doktor; at pag-iwas sa indiscriminate fogging.

Ang pagtaas ng kaso ng dengue ang isa sa mga naging dahilan kung bakit isinailalim sa dengue outbreak ang buong lalawigan ng Aklan noong buwan Hulyo.