-- Advertisements --

Tumaas ng halos 355.9 % ang naitalang kaso ng dengue sa Bacolod City mula Enero hanggang Disyembre ng nakaraang taon.

Katumbas ito ng kabuuang 2,617 kaso na mas mataas kumpara sa 574 na naitalang kaso noong 2023.

Mula sa datos na inilabas ng City Health Office, aabot sa pitong pasyente ang nasawi noong 2024.

Ang mga kaso ng dengue ay naitala mula sa Barangay Estefania, Sum-ag, Villamonte, at Barangay 16 habang tatlong hinihinalang kaso ng dengue ang naitala sa Barangay Singcang-Airport, Felisa, at Barangay 26 noong nakaraang taon.

Patuloy naman ang panghihikayat ng City Health Office ng Bacolod na sundin ang 4 o’clock habit ng paglilinis ng paligid.

Sa ganitong pamamaraan ay epektibong malalabanan ang dengue sa mga komunidad.