ROXAS CITY – Lomobo pa sa 980 porsyento ang kaso ng dengue sa lalawigan ng Capiz.
Batay sa pinakahuling record ng Provincial Health Office at Department of Health-Capiz simula noong Enero 1 hanggang Hulyo 20, 2019, ay umabot na sa 3,673 ang kaso ng dengue kumpara noong nakaraang taon na umabot lamang sa 340 na mga kaso.
Nanguna pa rin sa may pinakamaraming kaso ng dengue ang Roxas City na may 722, sinundan ng bayan ng Dao na 374 na kaso, 308 sa Pontevedra, 283 sa Tapaz, 272 sa Panay, 239 sa President Roxas, 231 sa Ivisan, 184 sa Mambusao, 165 sa Sigma, 151 sa Panit-an, 129 Dumalag, 126 Jamindan, 115 Sapian, 112 Maayon, 96 Cuartero, 86 Dumarao, at 79 sa Pilar.
Sa nasabing bilang na 16 na ang namatay dahil sa dengue kung saan labis na apektado ang mga batang may edad na isa hanggang 10-anyos.
Samantala sa mga barangay sa Roxas City nanguna ang Barangay Lawaan na may 83 na kaso sinundan ng Barangay Bolo na may 62 at ang Barangay Milibli.
Una nang idineklara na ang dengue outbreak sa lalawigan dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga biktima ng nasabing sakit.