-- Advertisements --

ROXAS CITY – Tumaas sa 771% ang kaso ng dengue sa lalawigan ng Capiz.

Ito’y matapos na umabot na sa 2,177 ang mga kaso sa Capiz batay sa record ng Provincial Health Office (PHO) at Department of Health (Capiz) mula Enero 1 hanggang Hunyo 29.

Nabatid na pinakamaraming kaso na naitala sa lalawigan noong Hunyo 23 hanggang 29 nitong taong kasalukyan, kung saan umabot sa 326 ang dengue cases sa loob lamang ng isang linggo.

Tumaas na rin sa 14 ang bilang ng mga namatay sa nasabing sakit matapos simulan ang monitoring noong Enero 1 hanggang Hunyo 29.

Nangunguna pa rin sa may pinakamataas na bilang ng kaso ng dengue ang Roxas City na may 431; sinundan ng bayan ng Dao na may 232 cases; Pontevedra 213; 198 sa Panay; 169 sa Tapaz; 156 sa President Roxas; 146 sa Ivisan; 94 sa Mambusao.

Una nang isinailalim sa state of calamity ang bayan ng Pontevedra dahil sa patuloy na paglobo ng bilang ng nasabing sakit.