-- Advertisements --

ROXAS CITY – Ikinaalarma ngayon ng Department of Health (DOH)-Capiz ang patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa lalawigan ng Capiz.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Roxas kay Joeffrey Espiritu, development management officer IV ng DOH-Capiz, sinabi nito na umabot na sa 1,589 ang kaso ng dengue na na-record ng tanggapan o 777 porsyento na tumaas simula noong Enero 1 hanggang Hunyo 15.

Ayon kay Espiritu na tumaas ang bilang ng mga naapektuhan ng nasabing sakit kumpara noong nagdaang taon na umabot lamang sa 121 na mga kaso.

Posible ayon sa opisyal na magkaroon ng outbreak sa dengue sa lalawigan kung hindi ito kaagad mabibigyan ng lunas.

Kabilang sa pinakamaraming kaso na na-record ng ahensiya ay ang Roxas City na may 394, bayan ng Dao na may 175, 164 sa Pontevedra, 160 sa Panay, 113 sa Tapaz, 110 sa President Roxas, 112 sa Ivisan, 64 sa Mambusao, 60 sa Dumalag, 57 sa Panit-an, 53 sa Jamindan, 46 sa Cuartero, 45 sa Sapian, 42 sa Sigma, 36 sa Pilar at 32 sa Dumarao.

Sa nasabing bilang pito na ang mga namatay sa nasabing sakit.

Dahil dito, muling pinaalahanan ng DOH-Capiz ang publiko na para maiwasan ang sakit na dengue ay kailangan na maglinis ng paligid at sundin ang 4S strategy ng ahensiya katulad ng Search and Destroy Mosquito Breeding Places; Secure Self-Protection; Seek Early Consultation; Support Fogging o Spraying sa mga hotspot areas.