-- Advertisements --

ROXAS CITY – Labis na naalarma ang Department of Health (DOH) sa patuloy na pag-akyat ng kaso ng sakit na dengue sa lalawigan ng Capiz.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Joeffry Espiritu, tagapagsalita ng DOH-Capiz, inihayag nito na base sa pinakahuling datos ng ahensiya, umabot na sa 1,136 ang naitalang kaso ng naturang sakit sa lalawigan ngayong taon.

Mas mataas aniya ito ng 700 percent kung ihahambing sa naitalang kaso sa kaparehong period noong nakaraang taon na mayroon lamang 140 mga kaso.

Naitala ang pinakamataas na kaso sa lungsod ng Roxas na may 234; bayan ng Dao na may 132; 120 sa Panay; 118 sa Pontevedra; 74 sa President Roxas; 76 sa Ivisan; 55 sa Tapaz; 51 sa Dumalag; tig-44 sa Jamindan at Panit-an; 40 sa Cuartero; 35 sa Sigma; 34 sa Mambusao; 29 sa Sapian; tig-20 sa Dumarao at Pilar, at 10 naman sa Maayon.

Sa naturang datos ayon kay Espiritu, umabot na sa pito ang namatay dahil sa naturang sakit na naitala sa lungsod ng Roxas, bayan ng Dao, Pontevedra, Ivisan at President Roxas.

May pinakamaraming naitalang kaso ayon kay Espiritu ay mga batang may edad isa hanggang sampung taon.

Dahil dito pinapayuhan ng ahensiya ang publiko na paigtingin pa ang preventive measures bilang kontra sa pagkalat ng sakit na dengue sa mga komunidad kabilang na ang ‘4S’ strategy na kinabibilangan ng Search and Destroy Mosquito Breeding Places; Secure Self-Protection; Seek Early Consultation; Support Fogging o Spraying sa mga hotspot areas.