CEBU CITY – Bagama’t patuloy na bumababa ang bilang ng mga kaso ng dengue nitong lungsod ng Cebu mula noong katapusan ng Setyembre, umakyat pa sa 21 ang mga namamatay na may kaugnayan sa sakit hanggang sa katapusan ng Nobyembre.
Batay sa datos ng City Health Department, pumalo sa 4,132 na kaso ng dengue ang naitala sa lungsod mula Enero 1 hanggang Disyembre 7, kung saan 21 ang namatay.
Karaniwan pa sa tinamaan ng sakit ay pawang mga kalalakihan na nasa isang taon hanggang 10 taong gulang at sinundan ng 11 hanggang 20 taong gulang.
Sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga namamatay na may kaugnayan sa dengue, nagpapasalamat naman si Cebu City Mayor Raymond Alvin Garcia na nagkaroon ng makabuluhang pagbaba sa bilang ng mga taong dinapuan ng naturang sakit.
Sa unang linggo ng Disyembre, mayroon na lamang natitira na 15 kaso ng dengue ang lungsod mula sa 292 kaso noong Agosto.
Umaasa naman ang opisyal na manatiling mapagmatyag ang lahat dahil panahon pa rin ng tag-ulan.