Nilinaw ni Cebu City Acting Mayor Raymond Alvin Garcia na hindi pa dapat magdeklara ng ng state of public health emergency dahil sa sitwasyon ng dengue sa lungsod.
Tiniyak naman ni Garcia na patuloy nilang minomonitor ang sitwasyon dito hinggil sa naturang sakit.
Ayon sa opisyal, sakaling magdeklara na ang pamahalaang lungsod ng state of public health emergency, nangangahulugan na ito na laganap na ang pagkalat ng dengue at may mga hakbang na gagawin para harapin ang problema.
Batay pa sa huling tala ng City Health Department, walo na ang nasawi habang mahigit 500 ang kumpirmadong kaso kung saan ang pinakabata ay tatlong taong gulang pa lamang habang ang pinakamatanda ay 78 anyos.
Gayunpaman, sinabi ni Garcia na kahit wala ang deklarasyon, nagpatupad ang City health department ng mga hakbang upang labanan ang epekto ng dengue at maiwasan ang paglala ng mga kaso nito.