-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Bumaba sa 17.77% o 37 cases ng dengue ang naitala sa bayan ng Kabacan Cotabato nitong nagdaang Pebrero 2019 kumpara nitong Enero na mayroong 45 cases.

Ayon sa Kabacan RHU-Municipal Epidemiology Surveillance Unit, labing isang barangay ng bayan ang nagtala ng kaso ng dengue na kung saan labing anim mula sa tatlumput limang kaso ay mula sa Brgy. Poblacion, lima rito ay mula sa Kilagasan, tig tatlong kaso naman ang Osias at Lower Paatan,

Tigdalawang kaso sa mga brgy. ng Kayaga, Magatos, at Simone, habang tig-iisang kaso sa Bangilan, Upper Paatan, Pedtad, at Tamped.

Ikinagalak naman ng tanggapan na bahagyang bumaba ang kaso ng dengue sa bayan. Hinimok muli ng tanggapan na tangkilikin ang ABaKaDa Kontra Dengue at panatilihing malinis ang kapaligiran.

Nagpasalamat naman si ABC President at siya ring Brgy. Poblacion Chairperson Evangeline Pascua-Guzman sa mga kapwa nitong punong barangay sa pakikiisa na tulungang mapababa ang kaso ng dengue sa bayan.

Aniya, bagamat hindi pa dumarating ang fogging machine na nirequest nila kay Mayor Herlo Guzman Jr nagpapasalamat parin ito sapagkat natutulungang ipababa ang kaso ng dengue.

Kaugnay nito, ayon sa lokal na pamahalaan ng Kabacan, nakaschedule pa for bidding ang fogging machine na iminungkahi sa MPOC meeting na siya namang –inaprobahan ni Mayor Guzman.

Samantala, muling hinimok ni Mayor Guzman ang publiko na tulungan at bawat isa at magkaisa sa paglilinis ng bawat kapaligiran.

Mainam rin umanong pagbuksan ng pinto ang mga BHW na nagbabahay-bahay upang turuan ang mga pamilya ng dapat gawin upang malinisan ang mga posibleng pagtirhan ng mga lamok.