-- Advertisements --

Patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga bagong dinadapuan ng sakit na dengue sa Pilipinas.

Base sa datos ng Department of Health (DOH), nasa 9,289 ang naitalang bagong kaso ng dengue mula Marso 16 hanggang 29, 2025, mas mababa ito ng 23% kumpara sa 12,050 na naitala mula Marso 2 hanggang 15, 2025.

Iniulat din ng ahensiya na nasa 0.36% ang Case Fatality Rate (CFR) o halos apat sa bawat isang libong dinadapuan ng sakit ang namamatay.

Iniuugnay naman ng DOH ang pagbaba ng bagong kaso sa pagsasagawa ng pinaigting na vector control sa mga komunidad. Kasama rito ang simpleng pag “Taob, Taktak, Tuyo, Takip” — ang pag-aalis, paglilinis, pagpapatuyo, at pagtatakip ng mga lalagyang maaaring pamugaran ng lamok.

Iniuugnay naman ang mababang case fatality rate sa mas maagang pagkonsulta ng mga pasyente base na rin sa health education program ng ahensya tungkol sa mga sintomas na dapat bantayan. Mabilis rin ang pagbibigay ng medikal na atensyon sa mga pasyente na dumudulog sa “Dengue Fast Lanes” ng DOH hospitals para maiwasan ang mas malalang komplikasyon ng dengue.

Sa kabuuan, nasa 95,262 ang naitalang kaso ng dengue sa bansa mula Enero hanggang Abril 2025. Mas mataas ito ng 75% kumpara sa 54,556 na naitala noong 2024.

Abiso ng DOH, ituloy ang “Alas Kwatro Kontra Mosquito”—maglaan ng oras tuwing alas-kwatro ng hapon araw-araw upang hanapin at sirain ang mga posibleng pinamumugaran ng lamok sa mga tahanan, paaralan, at mga lugar ng trabaho. Gumamit ng pansariling proteksyon tulad ng mga long sleeves, long pants, at insect repellent. Maglagay ng insecticide treated screens/kurtina sa mga bintana. Maaari ring gumamit ng kulambo kapag matutulog. Agad na kumonsulta sa healthcare worker sa unang sintomas ng Dengue at magtungo sa Dengue Fast Lane ng alinmang DOH hospital sa bansa.

“Ang pagsugpo sa Dengue ay nagsisimula sa sariling bakuran. Ipagpatuloy natin ang nasimulang pagpuksa sa pinamamahayan ng lamok dahil kung walang lamok, walang Dengue. ‘Wag nating bitawan ang disiplina sa paglilinis at maaga tayong maghanda para sa tag-ulan bandang July o August kung saan mas marami ang maaaring pamugaran ng lamok dahil sa mga naiipong tubig,” ani Health Sec. Ted Herbosa.