Nakitaan ng pagbaba ang bilang ng mga dinadapuan ng sakit na dengue sa bansa sa nakalipas na 2 linggo.
Sa datos ng Department of Health (DOH) mula Enero 26 hanggang Pebrero 8, mula sa naitalang 15,550 cases noong Enero 15 hanggang Enero 25 bumaba ito ng 7% o 14,476 cases matapos gumaling mula sa sakit ang mahigit 1,000 dinapuan ng sakit.
Bagamat ayon sa DOH, mas mataas pa rin ng 64% ang naitalang kaso ngayong taon kumpara noong 2024.
Sa kabuuan mula Enero 1 hanggang Pebrero 22, 2025, nakapagtala na ng 52,008 dengue cases.
Pinakamaraming kaso ng dengue ay naitala sa 3 rehiyon kabilang ang CALABARZON na nakapagrehistro ng 10,759 cases, National Capital Region na may 9,302 cases at Central Luzon na may 8,652 cases.
Mas mababa naman ang fatality rate sa dengue ngayong taon kumpara sa naitala noong 2024.
Maiuugnay ito sa mas maagang diagnosis at mabilis na pagresponde sa pangangailangan ng mga pasyenteng dinapuan ng dengue.
Kaugnay nito, patuloy pa rin ang paghimok ng DOH sa mga lokal na pamahalaan na makibahagi sa kampaniya sa paglilinis ng mga daanan ng tubig at mga lugar na imbakan ng tubig na maaaring pamugaran ng mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue.