Lumobo pa ng 56% ang mga kaso ng dengue sa Pilipinas ayon sa Department of Health (DOH).
Base sa datos ng ahensiya, tumaas sa kabuuang 43,732 kaso ang naitala mula Enero hanggang Pebrero 15 ng kasalukuyang taon.
Sa kabila naman ng nakakaalarmang pagsipa ng bilang ng mga dinadapuan ng sakit, sinabi ng ahensiya na mas mababa pa rin ang kasalukuyang case fatality ratio na 0.38%, bumaba ito mula sa 0.42% noong nakalipas na taon.
Kaugnay nito, pinaigting naman ng DOH ang dengue control measures nito at mahigpit na nakikipagtulungan sa mga local na pamahalaan para malabanan ang outbreak ng dengue sa karamihan ng mga apektadong rehiyon alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa agarang aksiyon.
Sa isang statement, tinukoy ng DOH na nakitaan ng mataas na kaso ng dengue sa 3 rehiyon sa bansa na katumbas ng mahigit kalahati ng mga kaso sa buong Pilipinas.
Ito ay sa CALABARZON na may 9,113 cases, National Capital Region na may 7,551 cases at Central Luzon na may 7,362 cases. Ang 17 lokal na pamahalaan sa nabanggit na mga rehiyon ay ang mga dengue hotspots.
Sa kabila naman aniya ng kabuuang pagtaas ng mga kaso, lumalabas sa datos ng DOH na bumaba ng 5% ang mga bagong kaso sa nakalipas na 4 na linggo.
Nakaambag aniya dito ang mga kampaniya sa pagpapataas ng kamalayan ng publiko sa sakit, pinaigting pang paglilinis sa kapaligiran at pagpuksa sa mga pinamumugaran ng mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue.