Patuloy na tumataas ang bilang ng naitatalang kaso ng dengue sa Quezon City.
Ayon sa Quezon City Epidemiology Disease and Surveillance Unit, umabot na sa 138 ang naitala nilang kaso ng dengue mula lamang Hunyo 23 hanggang Hulyo 6, 2024.
Bagamat wala raw naiulat na namatay sa panahong ito ay nasa 64% naman ang itinaas nito kumpara sa nakalipas na dalawang linggo na mayroon lamang na 84 na kaso.
Habang kung susumahin nasa 1,504 na ang kabuuang kaso ng dengue at
3 dito ang naiulat na namatay sa naturang lungsod sa mula Enero 1 hanggang Hulyo 10 ng kasalukuyang taon.
Batay din sa kanilang datos nasa tatlo hanggang apat na araw naman ang tiyantya nilang tinatagal ng mga residente rito bago tuluyang magpakonsulta ang nasa 43% na mga pasyente.
Sa ngayon ay patuloy nilang pinag-iingat ang naturang mga residente sa lungsod at pinapayuhan din nila itong magpakonsulta kaagad sa pinakamalapit na health facility kung nakararanas ng mga sintomas ng dengue tulad ng mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, likod ng mata, rashes at marami pang iba.