Tumaas ang mga kaso ng influenza-like illnesses (ILI) sa bansa sa gitna na rin ng maulang panahon.
Base sa latest data mula sa Department of Health (DOH), nakapagtala ng kabuuang 9,491 kaso ng influenza-like illnesses mula Hulyo 28 hanggang Agosto 10, mas mataas ito ng 55% kumpara sa 6,124 kaso na naitala mula noong Hulyo 1 hanggang 27.
Nakapagtala naman ng pagtaas ng naturang sakit ang lahat ng rehiyon maliban sa BARMM sa naturang period.
Sa kabuuan naman mula noong Enero 1 hanggang Agosto 24, nasa 102,216 na ang mga kaso ng ILI sa ating bansa. Bahagyang mas mababa ito sa mahigit 125,000 cases na naitala sa parehong panahon noong 2023.
Ayon sa DOH, ang influenza-like illnesses ay grupo ng sakit na may common symtoms gaya ng lagnat, ubo, namamagang lalamunan, sipon, pananakit ng katawan at ulo.
Batay din sa ahensiya, ang 3 pangunahing dahilan ng naturang sakit ay ang Influenza A, Rhinovirus at Enterovirus. Sa ngayon, pinoproseso na ng DOH ang pagbili ng karagdagan pang mga bakuna kontra sa influenza.
Muli namang nagpaalala ang DOH sa publiko laban sa paglipana ng iba pang sakit na maaaring makuha ngayong panahon ng tag-ulan gaya ng leptospirosis at dengue.