Iniulat ng Department of Health (DOH) na trumiple ang kaso ng hand, foot and mouth disease (HFMD) mula Enero 1 hanggang Pebrero 22 ng kasalukuyang taon.
Sa datos ng ahensiya, nasa 7,598 na kaso ng HFMD ang naitala sa panahong ito.
Ang bilang na ito ay tatlong beses na mas mataas kaysa sa 2,665 kaso na naitala noong 2024, ngunit mas mababa kaysa sa mahigit 2,500 na lingguhang kaso na iniulat noong Pebrero 2023.
Sa mga kaso ng HFMD, 56% o katumbas ng 4,225 cases ay sa mga batang may edad apat pababa, habang humigit-kumulang 2,069 na kaso ang nakaapekto sa mga batang may edad na 5 hanggang 9 na taong gulang.
Ayon sa DOH, ang HFMD ay isang nakakahawang sakit na kumakalat sa pamamagitan ng laway at sa pamamagitan ng pagkakadikit sa mga bagay na kontaminado ng virus, na sinusundan ng paghawak sa mata, ilong, o bibig.
Bagama’t ang HFMD ay kadalasang nagpapakita ng banayad na sintomas tulad ng lagnat, ubo, runny nose, oral sores, at paltos sa mga paa’t kamay at pigi, pero sa mga bihirang kaso, maaari itong humantong sa mas malalang kondisyon tulad ng meningitis o encephalitis o pamamaga ng utak.
Kayat payo ng ahensiya sa mga indibidwal na may hinihinala o kumpirmadong HFMD na manatili muna sa bahay at mag-isolate sa loob ng 7 hanggang 10 araw, o hanggang sa humupa ang lagnat at gumaling ang mga sugat.
Inirerekomenda din ng ahensiya na panatilihing hiwalay ang mga personal na gamit, at regular na i-disinfect ang isolation area.