DAVAO CITY – Umabot sa 386 ang nai-report na kaso ng Hand Foot Mouth Disease (HFMD) sa Davao Region.
Ito’y base sa inilabas na impormasyon ng Davao Center for Health Development ng Department of Health (DOH) mula Enero 1 hanggang 21, 2023.
Base sa datos, pinakarami ang natala sa Davao de Oro na nasa 110, Davao del Norte na nasa 94, Davao City na mayroong 92 cases, Davao Occidental na mayroong 77, Davao del Sur na nasa 9 at Davao Oriental na mayroong apat na kaso.
Napag-alaman rin na ang mga nahawa ay ang mga batang nag edad 0 hanggang 9 years old.
Sa 386 na kabuuang kaso, 169 nito ang kinabibilangan ng mga batang babae habang 217 naman ang mga batang lalaki.
Nanawagan na lamang ang ahensya sa mga magulang na agad na i-report sa mga guro kung ang kanilang anak ay nakaranas ng sintomas sa nasabing sakit upang agad itong maaksyunan.
Sa kabailang banda, naglunsad rin ang DepEd ng mahigput na monitoring kabilang na ang surveillance sa lahat ng mga paaralan upang masiguro na mapigilan ang pagdami ng HFMD sa rehiyon ng Dabaw.
Ayon kay Jenielito Atillo, tagapagsalita ng Department of Education (DepEd) XI, na hindi dapat ikabahala ng mga magulang ang naitalang kaso ng HFMD dahil hindi ito maikokonsiderang outbreak at kinakailangan lamang na maging maingat at ipatupad ang responsible parenting.