KALIBO, Aklan – Patuloy pa ring tumataas ang bilang ng mga kaso ng HIV-AIDS sa lalawigan ng Aklan.
Sa pinakahuling datos ng Provincial Health Office simula Enero hanggang Marso 2019, naitala ang 11 bagong kaso ng HIV-AIDS.
Simula Enero 1984 hanggang sa kasalukuyan, mayroon nang naitalang 215 na kaso ng naturang sakit sa lalawigan.
Sa mahigit na 200 kaso, karamihan dito ay nakakuha ng sakit dahil sa sexual contact.
Halos 83 porsiyento rito ay lalaki sa lalaki habang 16 porsiyento ang heterosexual o lalaki sa babae.
Paliwanag ni Dr. Cornelio Cuatchon ng PHO-Aklan, maituturing na risk factor ng HIV ang pakikipagtalik lalo na kung maraming sexual partner ang isang tao.
Ang mga bayan na may pinakamaraming kaso ay ang kabisera ng Kalibo na may 65 at Malay na sumasakop sa isla ng Boracay na may 41 kaso.
Dahil dito, patuloy ang pag-hikayat ni Dr. Cuatchon na magpa-test na ang mga may tsansang magkaroon nito dahil ito aniya ay libre.
Maliban sa HIV-AID, patuloy rin ang paglobo ng Sexually Transmitted Disease (STD) at Teenage Pregnancy sa Aklan.