-- Advertisements --

Bahagyang bumaba ang mga kaso ng influenza-like illnesses (ILI) sa first half ng Nobiyembre sa kabila ng paglamig ng panahon.

Base sa pinakabagong datos ng Department of Health (DOH), lumalabas na ang ILI cases sa buong bansa ay bumaba mula sa 7,971 noong Oktubre 20 hanggang Nobiyembre 2 sa 7,571 cases noong Nobiyembre 3 hanggang 16.

Naobserbahan din ang pagbaba ng dinadapuan ng sakit mula Nobiyembre 17 hanggang 30 na may 3,710 cases subalit sinabi ng DOH na maaaring magbago pa ito dahil sa naantalang pag-uulat at pagpapakonsulta.

Sa kabuuan, bumaba din ang ILI cases mula Enero hanggang Nobiyembre 30 na nasa 165,992 cases, mas mababa ito ng 17% kumpara sa mahigit 200,000 cases na naitala sa parehong panahon noong 2023.

Sa kabila ng kabuuang pagbaba ng mga kaso ng naturang sakit, nakapagtala ng pagtaas sa ilang rehiyon tulad sa Cordillera Administrative Region (CAR), Bicol Region, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Kaugnay nito, hinimok ni Health Sec. Ted Herbosa ang publiko na magsuot ng face mask ng maayos, obserbahan ang tamang pag-ubo gaya ng pagtakip sa bunganga, at manatili na muna sa bahay sakaling nakakaramdan ng sintomas ng sakit. Pinayuhan din ng kalihim ang mga pamilya na magpabakuna ng anti-flu para maproteksyunan ang sarili laban sa ILIs.

Aniya, maaaring tumaas ang mga kaso ng respiratory infections gaya ng ubo at sipon maging ang COVID-19 bunsod ng mas malamig na panahon ngayong Amihan season. Nauna na ngang inanunsiyo ng state weather bureau noong Nobiyembre na makakaranas ng mas malamig na lagay ng panahon sa darating na mga buwan dahil sa pagsisimula ng Amihan season.