LEGAZPI CITY- Nakatutok na ang Securities and Exchange Commission (SEC) sa isang kaso ng investment scam sa lungsod ng Legazpi kung saan higit sa P31 milyon na ang naitakbong pera mula sa nasa 150 mga biktima.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Atty. Norma Tan-Olaya, OIC Director ng SEC Legazpi, patuloy silang nakakatanggap ng reklamo laban sa Real mind/Secret of life investment scheme na sinasabing pinatatakbo ng mag-asawang suspek.
Modus umano ng mga scammer na mangrecuit ang investors na pinangangakuang makakatanggap ng 33% na balik sa perang in-invest.
Sa umpisa, maayos naman umano ang investment scheme subalit matapos ang ilang buwan nagkaroon na ng problema nang hindi maibigay ang pera sa mga biktima.
Ayon kay Olaya, tumulong na ang tanggapan sa mga biktima sa paghahain ng affidavit at pagsasampa ng kaso laban sa mga nasa likod ng investment scam habang mahigpit ang pakikipag-ugnayan sa PNP at NBI sa isasagawang imbestigasyon.
Nabatid na kasong large scale estafa ang posibleng isampa laban sa mga suspek dahil sa maraming nabiktima sa investment scam.
Una na ring inihayag ng NBI na mag-asawa ang itinuturong nasa likod ng investment scam subalit hindi na muna pinangalanan ang mga ito habang hinihintay pa ang ipapalabas na warrant of arrest ng korte para sa mga kaso.