-- Advertisements --
Liam Payne, photo by Tim P. Whitby/Getty Images

Binasura ng Korte sa Argentina ang mga kasong involuntary homicide sa tatlong taong kasangkot umano sa pagkamatay ng ex-boyband member na si Liam Payne na maaalalang nahulog mula sa isang third-floor hotel room nito sa Buenos Aires noong nakaraang taon.

Ang desisyon, na ipinalabas noong Miyerkules, ay inilabas sa publiko noong Huwebes.

Ang kaibigan ni Liam Payne na si Roger Nores, at dalawang manggagawa mula sa hotel na sina Esteban Grassi, isang receptionist, at Gilda Martin, manager ng hotel ay abswelto sa naging kaso.

Paliwanag ng korte ‘walang sapat na ebidensya upang managot ang mga nasasakdal. Ipinahayag naman ni Nores ang kanyang pasasalamat, at sinabing, ‘Glad this is finally over. I’m happy I’m now going to be able to travel to the U.K. and say goodbye to my friend,’ pahayag ni Nores.

Batay sa naging hatol ng prosecutor kay Nores hindi umano nito tinulungan si Payne sa pagkuha o pag-inom ng alak na ayon sa Korte ‘wala aniyang kakayahan si Nores upang pigilan ang trahedya. Inilarawan naman ni Nores noong Nobyembre 2024 na bumisita siya sa hotel ng ilang beses sa araw ng insidente ngunit umalis siya, 40 minuto bago mangyari ang pagkamatay ni Payne.

‘I never abandoned Liam. I went to his hotel 3 times that day and left 40 minutes before this happened,’ ani Nores.

Samantala pinawalang sala rin ang empleyado ng hotel na sina Grassi at Martin, ayon sa hukom na ‘wala umanong sapat na ebidensya ng kapabayaan sa kanilang mga ginawa bago ang insidente.

Ngunit ang dalawang lalaki na sina Ezequiel Pereyra at Braian Nahuel Paiz, ay mananatili sa kulungan at maghihintay pa ng paglilitis para sa mga akusasyong pagsu-supply umano ng droga sa Singer.

Inaresto si Paiz noong Enero 2025 at may posibilidad makulong ng hanggang 15 taon habang si Pereyra, isang empleyado ng CasaSur, ay inaresto ilang araw matapos arestuhin ng mga awtoridad si Paiz.

Inakusahan sila sa mga kasong pagbebenta ng mga iligal na droga na kalaunan ay natukoy sa katawan ni Payne matapos isagawa ang autopsy, kabilang ang “pink cocaine”, pati na rin ang cocaine, benzodiazepine, at crack.

Nababatid na ang pagkamatay ng One Direction member ay dahil sa nakitang “multiple traumas,” sa katawan ng singer kabilang ang mga pagdurugo sa kanyang dibdib, ulo, at tiyan.

Si Payne ay inilibing sa Amersham, England, noong Nobyembre 2024, na nag-iwan ng kalungkutan sa mga tagahanga nito at mga mahal sa buhay.