Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng pagtaas sa kaso ng leptospirosis sa bansa ngayong buwan ng Hunyo sa gitna ng pagsisimula ng tag-ulan.
Base sa datos mula sa ahensiya ngayong araw, pumalo na sa 878 ang kabuuang bilang ng dinapuan ng leptospirosis sa buong bansa.
Kung saan 83 kaso dito ang naitala mula Hunyo 2 hanggang 15, mas mataas ito kung ikukumpara sa 60 kaso na tinamaan mula Mayo 19 hanggang Hunyo 1.
Habang mayroong 84 pasyente naman ang kumpirmadong nasawi sa leptospirosis.
Ayon sa DOH, bagamat halos kalahati lamang ng naitalang kaso ng sakit sa parehong period noong 2023 na nasa 1,769 cases, naobserbahan na nagsimulang tumaas ang bilang ng kaso kada linggo bunsod ng mga pag-ulan.
Dagdag pa ng ahensiya, maliban sa Zamboanga Peninsula at Northern Mindanao regions, lahat ng mga rehiyon sa bansa ay nakitaan ng paglobo ng mga kaso ng leptospirosis sa nakalipas na buwan.
Ang leptospirosis ay isang impeksiyon na dulot ng tinatawag na leptospira bacteria na sanhi ng bakteryang nagmumula sa ihi ng mga hayop katulad ng mga daga at nakukuha rin sa paglusong sa tubig-baha na kontaminado ng ihi ng mga daga.
Sakaling hindi magamot maaari itong humantong sa kidney damage, meningitis, liver failure, hirap sa paghinga at kamatayan.
Karaniwang umaabot ng 2 hanggang 30 araw bago magkasakit matapos maimpeksiyon.
Kaugnay nito, pinayuhan ang publiko na iwasang lumusong sa baha, agad na komunsulta sa pinakamalapit na health center para komunsulta sa doktor kapah nakaranas ng mga sintomas ng sakit para maiwasan ang komplikasyon.