NAGA CITY – Tumaas ang naitalang kaso ng sunog sa lalawigan ng Camarines Sur noong nakaraang buwan ng Enero dahil sa sobrang init ng panahon na dala ng El Niño phenomenon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SFO2 Gershon Aspe Jr, Chief PIO/Community Relations Section, BFP Camarines Sur, sinabi nito na mula sa dating 17 na kaso ng sunog na naitala noong Enero 2023 umabot na ito 29 sa pagpasok pa lamang ng kasalukuyang taon.
Aniya, kung ang damages naman ang titingnan mayroon lamang nasa P1.1-M na pinasala ang naitala noong Enero noong nakaraang taon habang nasa P6.6-M naman ngayong 2024 o nasa 476% na pagtaas.
Inaasahan naman na umano nila na magiging malaki ang epekto ng El Niño phenomenon sa lalawigan lalo na ngayong dry season kung saan malaki ang tyansa ng pagkakaroon ng sunog dahil tuyong-tuyo ang paligid.
Dahil dito, magkaroon lamang ng kaunting baga o spark agad na kakalat ang apoy sa kapaligiran lalo na kung ang nakapalibot dito ay madaling kapitan ng apoy.
Samantala, inaasahan rin ang mas pag-init pa ng panahon sa mga susunod na araw dahil sa epekto ng El Niño at paparating na summer season.
Sa ngayon, upang maiwasan ang ganitong pangyayari nagpapatuloy naman ang mga programa ng Bureau of Fire Protection katulad na lamang ng Oplan Ligtas na Program kung saan ang mga bumbero ang nagtutungo sa mga pamayanan upang muling magpaalala sa mga residente kung ano ang dapat na gawin kapag may sunog at kung paano ito maiiwasan.