-- Advertisements --

Sumampa na sa 52 ang na-detect na kaso ng mpox sa Pilipinas.

Ayon kay Department of Health (DOH) Sec. Ted Herbosa, sa naturang bilang, karamihan sa mga kaso o 33 ay naitala sa Metro Manila. Sinundan ito ng Calabarzon na may 13 kaso at Central Luzon na may 3 kaso.

Sa Cagayan Valley, 2 ang dinapuan ng sakit habang isa naman sa Central Visayas.

Ang edad ng mga ito ay nasa 6 na buwang gulang ang pinakabata at pinakamatanda ay 66 anyos.

Karamihan naman sa kanila ay walang kontak sa ibang indibidwal na may mpox habang ang isang kaso ay nakuha nito sa ibang bansa.

Pinunto naman ng DOH chief na lahat ng dinapuan ng naturang sakit sa bansa ay nagpositibo sa clade II na mas banayad na uri ng mpox virus.

Sa nasabing mga kaso, may isang napaulat na nasawi subalit nilinaw ng DOH na ang sanhi ng pagkamatay nito ay commorbidity at hindi mpox.

Samantala, hindi naman masyadong takot ang DOH sa sakit dahil sa naipapasa ito sa pamamagitan ng skin to skin close intimate contact, kayat mabagal ang transmission nito.

Subalit nananatili pa rin aniyang nakabantay ang kanilang task force sa mpox cases at inabisuhan ang publiko na gumamit ng sabon at tubig para mapatay ang virus at gumamit ng gloves kapag naghuhugas ng kontaminadong bagay.