Muling inungkat ng Senado ang kaso ng Mindoro Oil Spill sa ginawang pagdinig ngayong araw ng Senate Committee on Environment and Natural Resources and Climate Change
Ang naturang komite ay nag-iimbestiga sa nangyaring paglubog ng MT Terra Nova sa Limay, Bataan nitong Hulyo kasabay ng pananalasa ng super typhoon Carina.
Tinanong ni Sen. Francis Tolentino sa Philippine Coast Guard kung mayroon nang nakasuhan sa Mindoro Oil Spill na nangyari pa noong nakalipas na taon.
Ang kumpanya kasing nag-charter sa MT Princess Empress ay parehong kumpanya na nag-charter din sa Terra Nova – SL Harbor Bulk Terminal Corp.
Nais ni Tolentino na malaman kung napanagot na ang may-ari ng MT Princess Empress dahil sa libo-libong mga mangingisda ang naapektuhan, habang malaking bahagi ng katubigan at dalampasigan ang nasira rin sa ilang buwan na oil spill.
Dahil sa hindi makapagbigay ng tiyak na sagot ang PCG, tinanong din ni Tolentino ang Department of Justice(DOJ) at National Bureau of Investigation.
Batay sa report ng National Disaster and Risk Reduction Management Council(NDRRCM), umabot sa 43,699 pamilya ang naapektuhan sa pagtagas ng langis mula sa MT Princess Empress habang ang danyos na dulot nito ay umabot sa P4,929,242, 581.74.
Ang naturang tanker ay naglalaman noon ng 900,000 litro ng langis na tumagas at nakaapekto sa mga probinsya ng Batangas, Palawan, Oriental Mindoro, at Antique.