-- Advertisements --

Kinumpirma ni PNP (Philippine National Police) Chief Gen. Guillermo Eleazar na “case solved” pero hindi pa “case closed” ang kasong pagpatay sa transman (transgender man) na si Ebeng Mayor matapos maaresto ang tatlong suspek.

Kinilala ni Eleazar ang mga suspek na sina Zander Dela Cruz alyas Dugong, Joel Loyola alyas Nonoy, Nonoy Sablay at Richard Elvin Araza alyas Tiago na nadakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD).

Una nang sinampahan kahapon ng kasong rape with homicide at robbery ang tatlong suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office at kasalukuyang nananatili sa kustodiya ng QCPD habang hinihintay ang commitment order ng korte.

Sinampahan din ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o illegal possession of firearms and ammunition si alyas Nonoy.

suspek1

“I am happy to announce that we have arrested and formally charged in the Prosecutors Office three suspects in the brutal killing of 21-year old transman Ebeng Mayor. The PNP has kept its promise to Ebeng’s family and solved this atrocious crime,” pahayag ni Eleazar.

Pagtitiyak ng PNP chief, hindi sila titigil hanggat hindi nako-convict sa kaso ang mga suspek at makulong ang mga ito.

Iniimbestigahan na rin ng PNP kung ang kaso ni Ebeng Mayor ay maikokonsiderang “hate crimes.”

Samantala, ibinunyag ni QCPD Director B/Gen. Antonio Yarra na ang dalawa sa tatlong suspek ay nahaharap na sa kasong illegal drugs.

cpnpguillor

Isinailalim na rin sa drug test ang tatlong suspek para mabatid kung lango sa droga ang mga ito.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nahuli ang dalawang suspek sa Barangay Payatas kahapon.

Ito’y dalawang araw mula nang matagpuan ang bangkay ni Mayor nitong May 20 sa isang bakanteng lote sa Sitio Bakal, Barangay Bagong Silangan.

Ayon kay QCPD-CIDU Chief Maj. Elmer Monsalve, hindi talaga nakilala ang mukha ng biktima dahil binasag ito sa pamamagitan ng bato.

Sa ngayon ay personal na ring kinausap ng PNP Chief ang mga magulang ni Ebeng.

“To the family of Ebeng, I know that we cannot bring her back but with the PNP’s kept promise of bringing their killers to justice, we hope that this somehow lessens the pain of your loss,” wika ni Gen. Eleazar.