-- Advertisements --

Umabot na sa 98 ang kaso ng panggagahasa ang naitala sa Davao City mula noong buwan ng Enero hanggang Agosto 21 nitong taong kasalukuyan. Kinumpirma ito ni ni Police Major Maria Teresita Gaspan, hepe ng Women and Children Protection Desk ng Davao City Police Office (DCPO).

Ang bilang ng kaso ay mas mataas kumpara sa naitalang 96 na kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon. Sa 98 na kaso, 89 sa mga biktima ay babae at siyam ay lalaki na biktima. Nabatid na mula sa mga kasong iyon, 21 ang incestuous rape o mga kamag-anak lamang ang gumahasa sa mga biktima at 45 ang ginawa ng mga kakilala ng mga biktima.

Dagdag pa ni Gaspan, lahat ng 98 na kaso ay naisampa na sa korte kung saan natukoy na ang lahat ng mga suspek. Sa kasalukuyan, 38 na ang naaresto ng pulisya.

Sa kabilang banda, sinabi ni Lorna Mandin, pinuno ng Integrated Gender and Development Division (IGDD), na ang pagtaas ng mga naiulat na kaso ng panggagahasa ay posibleng senyales na unti-unting nagwakas ang “kultura ng katahimikan” ng mga dahil mayroon na silang lakas ng loob na mag-ulat sa pamamagitan ng tulong ng iba’t ibang ahensya na nagsisikap na wakasan ang stigma laban sa mga biktima ng mga sekswal na krimen.

Dagdag pa ng opisyal, ang laban sa panggagahasa ay hindi lamang responsibilidad ng pulisya kundi maging ng buong komunidad.