Kinumpirma ng Department of Agriculture ang maaga nitong pagpapa-abot sa World Organization for Animal Health ukol sa kaso ng Q-fever sa Pilipinas.
Noong unang araw ng Hulyo, 2024, ayon sa DA, ay naimpormahan na ang WOAH ukol sa naturang sakit ng mga hayop.
Nakasaad sa report na ipinadala ng pamahalaan na ang pagpasok ng mga bagong buhay na hayop ay ang dahilan ng unang kaso ng Q-fever sa Pilipinas.
Sa naturang report, nakasaad din na ang infection ng Q-fever sa Pilipinas ay nagsimula pa noong Pebrero 13, 2024. Dito umano umpisang naobserbahan ang mga clinical signs sa ilang mga imported na kambing.
Unang nagsagawa ang DA-Bureau of Animal Industry(BAI) ng confirmatory testing ukol sa naturang sakit noong June 19 sa Philippine Carabao Center-Biosafety and Environment Laboratory sa Science City of Muñoz sa Nueva Ecija.
Agad ding nagsagawa ang pamahalaan ng disinfection, pagtigil sa pagbibiyahe ng mga hayop, screening, at pagpatay sa mga sa mga hayop na hinihinalang naapektuhan ng naturang sakit.
Tiniyak din ng DA sa report nito na magpapatuloy ang mahigpit na surveillance sa loob at labas ng restricted zone na unang idineklara kasunod ng kumpirmasyon sa unang kaso ng Q-fever.