-- Advertisements --

ROXAS CITY – Umabot na sa halos 5,000 ang naitatalang kaso ng sakit na dengue sa lalawigan ng Capiz.

Base sa Capiz Epidemiological Surveillance and Response Unit (CESRU) ng Provincial Health Office, umabot na sa 4,930 ang nai-record na kaso ng dengue sa lalawigan mula Enero hanggang ngayong buwan ng Agosto.

Nangunguna sa may pinakamaraming kaso ng naturang sakit ang Roxas City na may 1003 cases; Dao na may 446; Pontevedra na may 376; Tapaz na may 344; Panay na may 325; President Roxas na may 298; Ivisan na may 292; Mambusao na may 244; Sigma na may 240; Panit-an na may 227; Maayon na may 191; Dumalag na may 190; Jamindan na 184; Sapian na may 161; Dumarao na may 153; at bayan ng Cuartero at Pilar na may tig-128 cases.

Una rito, sa bisa ng Executive Order No.001 na pirmado ni Governor Esteban Evan “Nonoy” Contreras idineklara na ang dengue outbreak sa lalawigan.

Sa ngayon may kani-kaniyang mga inisyatibo na rin ang mga local government units (LGUs) para sa mas maigting na kampanya kontra sa sakit na dengue.