Tumaas ang kaso ng tigdas at tigdas-hangin sa bansa ng limang beses ngayong taon kumpara noong 2023 base sa panibagong data na inilabas ng Department of Health (DOH) ngayong araw.
Simula noong Enero hanggang Abril 27 ng kasalukuyang taon, nakapagtala ang bansa ng 2,264 kaso ng nasabing mga sakit.
Kung ikukumpara ito sa parehong period ng 2023, malaki ang itinaas mula sa 397 kaso lamang.
Samantala, iniulat naman ng DOH na matagumpay na nabakunahan na laban sa mga sakit ang nasa mahigit 1.1 million bata sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Matatandaan na noong Marso 22, idineklara ng BARMM Ministry of health ang measles outbreak sa rehiyon.
Ang tigdas nga ay isang nakakahawa at posibleng malubhang sakit na pangunahing naikakalat sa pamamagitan ng hangin pagkatapos umubo o bumahing ng isang indibidwal na may sakit na tigdas.
Karaniwang lantad sa sakit na tigdas ang mga hindi pa bakunado, buntis, sanggol na wala pang 6 na buwang gulang at may mahinang immune system.
Habang ang tigdas-hangin naman ay kilala rin bilang “German measles” na sanhi ng rubella virus. Maaari itong maipasa sa pamamagitan ng direct contact sa taong naimpeksiyon na.