-- Advertisements --

BAGUIO CITY-Nagtutungo ang mga empleyado ng Baguio City Health Services Office sa iba’t-ibang paaralan sa lungsod para sa mas mahigpit na pagbabakuna sa mga mag-aaral laban sa tigdas.

Ayon kay City Health Officer Dr. Rowena Galpo, ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng tigdas sa lunsod.

Sinabi niya na mula Enero Uno hanggang Marso 4 ng kasalukuyang taon ay naitala ang 147 na kaso ng tigdas sa lunsod mula sa apat lamang na kaso sa kaparehong mga buwan noong 2018.

Ayon kay Galpo, ang kaso ng tigdas na naitala ngayong taon ay mas mataas ng mahigit sa isang libong porsyento kumpara noong 2018.

Ihihayag ng opisyal na puntirya nilang mabakunahan ang mga estudyante ng Grade 1 at Grade 7 para hindi sila magkaroon ng tigdas.

Ipinaliwanag pa ni Galpo na kahit masyadong malaki ang itinaas ng kaso ng tigdas sa Baguio ay hindi pa naman maidedeklara ang measles outbreak sa lunsod dahil hindi pa naman ito umabot sa outbreak level.