-- Advertisements --

“Back to zero” umano ang kaso laban kay self-confessed drug lord Kerwin Espinosa, at iba pang mga umano’y mga big time drug lords.

Ito ang sinabi ni CIDG Director Ruel Obusan matapos na ipag-utos ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre ang paglikha ng bagong prosecution panel para repasuhin ang kasong may kaugnayan sa droga na isinampa ng CIDG laban sa mga ito.

Ayon kay Obusan, dahil bago na ang mga prosecutors na hahawak ng kaso, sasamantalahin na ito ng CIDG para mas mapalakas ang kanilang kaso sa pagsusumite ng karagdagang ebidensya.

Wala naman aniyang “double jeopardy” sa ngayon, o ang pagsasampa ng magkahalintulad na kaso laban sa akusado sa pangalawang pagkakataon, dahil wala pa sa korte ang kaso.

Aniya, isasama narin ng CIDG ang pag-amin ni Espinosa sa Senate hearing sa kanyang partisipasyon sa kalakalan ng droga sa pagkakataong ito.

Paliwanag ni Obusan, hindi nila isinama ang testimonya sa Senado ni Kerwin sa unang reklamong inihain nila sa Prosecutors Office, dahil binawi din ni Espinosa ang kanyang pahayag sa Senado nang siya ay makausap na ng CIDG kasama ang kanyang abogado.