Itinuturing ngayon ng Philippine National Police (PNP) na case solved na ang kaso sa pagpatay sa dalagitang si Christine Lee Silawan, 16, sa Lapu Lapu City, Cebu pero hindi pa umano case closed.
Ito ay matapos maaresto ang principal suspect na 17-anyos na dating boyfriend ng biktima.
Ayon kay PNP spokesperson S/Supt. Bernard Banac, batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP at NBI, isyu umano selos o crime of passion ang motibo sa pagpatay sa dalagita.
Batay pa sa report, hiwalay na ang biktima at ang suspek pero nagpanggap ito ng ibang personalidad at nag-chat sa biktima na tila nililigawan ang babae.
At nang pinapatulan din ng biktima ang ka-chat nagalit ang suspek at dito na nagsimula ang matinding selos.
Sa ngayon nagsanib pwersa na ang PNP at NBI para tuluyang matuldukan na ang kaso.
Patuloy namang pinaghahanap ngayon ng mga otoridad ang dalawa pang suspek na iniuugnay sa brutal na pagpapatay sa estudynate.
Na-turnover na rin sa DSWD Region-7 ang suspek dahil menor-de-edad pa ito.
Inihayag pa ni Banac simula ngayong araw NBI na ang magbibigay ng update sa kaso ni Christine Silawan.
Siniguro naman ni Banac na suportado nila ang NBI sa nasabing kaso.
Dagdag pa ni Banac na hindi pa nila tuluyang inaalis ang anggulong kulto.
Inaresto noong gabi ng Sabado ang 17-anyos na suspek, na iniugnay kay Silawan base sa ebidensiya, kasama na ang pag-uusap umano ng dalawa sa cellphone.
Sa ngayon, tinanggal na bilang suspek sa kaso ang unang inaresto na si Jonas Bueno.
Si Bueno ay naaresto noong Biyernes dahil sa pagpatay sa isang magsasaka sa Cebu noong Enero.